Ano nga ba ang reyalidad sa buhay natin? Araw – araw nakikita natin sa paligid natin ang pabago – bagong hugis ng buhay sa mundo. Nakikita natin ito sa bawat taong nakakasalubong natin, sa mga kakilala at sa mga nakakasama natin. Pero paano natin masasabi na ito na talaga ang reyalidad? Hindi kaya, isa lang itong bangungot o panaginip na kahit anong oras ay pwede tayong magising?
Marami sa atin ang masasabi nating tanggap na ang katotohanan tungkol sa buhay nila. At may iba naman na kahit hanggang sa pag tanda, hindi pa rin makatakas sa ilusyon na sila mismo ang gumawa. Marami pa ring umaasa nakahit papaano ay matupad ang kani – kanilang pantasya sa buhay. Marami pa rin talaga ang hindi makatanggap sa katotohanang limitado lang ang kakayahan natin bilang mga tao.
Marami sa atin ang halos sumuko na dahil sa mga paghihirap na nararanasan natin sa buhay. Nagtatanong tayo kung bakit sa dami ng mga dasal at hiling natin sa taas ay wala man lamang natutupad maski isa. Pero kung iisipin natin, paano naman matutupad ang mga dasal natin kung hanggang dasal lang naman tayo? Kung sa halip na magsikap para makamtan ang mga gusto natin, nakukuntento lang tayo sa kung anong meron tayo ngayon. Nagiging tamad tayo para gamitin ang sarili nating lakas para umunlad at kahit papaano ay maibsan ang kahirapang dinaranas natin.
Pero sabi nga, “Nasa diyos ang awa at nasa tao ang gawa.” Nakadepende na lang sa atin kung paano natin babaguhinn ang estado natin sa buhay.
1.Darating din ang araw na makikita mo ang resulta ng mga panalangin mo.
Kasabay ng mga panalanging ginagawa mo, gamitin mo din ang lakas mo para makamit kung anuman ang hinahangad mo sa buhay. Hindi naman kasi sa lahat ng oras, pananampalataya lang ang kailangan mo. Minsan kailangan mo ding pagpaguran ang mga pangarap mo. Kailangan mo itong pagsikapan ng sa ganun, makamit mo at makita ang resulta ng panalangin mo.
2.Sobrang ganda ng plano ni Lord sa buhay mo. Pero minsan kailangan mo lang talagang pagdaanan ang mahirap na proseso.
Hindi naman kasi natin maiiwasan na makaranas ng paghihirap sa buhay. Dyan kasi tayo sinusubukan kung paano tayo babangon sa kabila ng pagkakadapa natin. Hindi naman nagbibigay si Lord ng pagsubok na alam nyang hindi natin kayang pagtagumpayan. Tiwala lang sa Kanya ang kailangan at makikita mo, marami pang bagay ang nakalaan para sa’yo.
3.Huwag kang mapapagod sa paggawa ng KABUTIHAN dahil isa yan sa mga ugaling hinahangaan. Hindi ka man mapansin ngayon, siguradong may gantimpala sa TAMANG PANAHON.
Hindi naman kailangan ang mapansin sa pag – gawa ng kabutihan. Sapat na yung alam natin sa sarili natin na nagawa tayo ng kabutihan. Hindi naman kailangan na makatanggap tayo ng gantimpala mula sa taong ginawan natin ng mabuti. Sapat na yung gantimpala na galing sa Taas para sa mga taong mabubuti.
4.Bago mo husgahan ang pagkatao ko, subukan mong isuot ang sapatos ko at lakbayin ang buhay na tinahak ko. Kung narating mo ang narating ko, malalaman mo ang TATAG at TAPANG ko.
Marami sa mga tao ngayon ang nagiging mapanghusga. Sinasabi nila kung ano lang yung nakikita nila sa panlabas. Hindi nila maintindihan kung bakit nagagawa ng isang tao ang mga nakikita nilang ginagawa nya. Pero bakit nga ba hindi muna natin kilalaning mabuti ang isang tao bago tayo manghusga? Malay natin, madami pala siyang napagdaanan kaya nagkaganun sya.
5.Ang isang asawa o kasintahan, madaling hanapin o palitan. Pero ang isang INA, nag iisa lang yan. Kaya habang nandiyan pa si Nanay, ipakita mong mahalaga siya at iparamdam mong MAHAL mo siya.
Wala ng taong mas hahalaga pa kaysa sa mga nanay natin, kahit pa minsan hindi natin maintindihan ang ugali nila, iparamdam pa rin natin sa kanila kung gaano natin sila kamahalat kung gaano natin sila pinapahalagahan. Bakit ‘ka mo? Kasi, sa dami nating maling nagawa, tinatanggap at pinapatawad pa din niya tayo. Nagtiis s’ya ng siyam na buwan para ipagbuntis ka, at ilang taon para alagaan ka bago ka nakatayo sa sarili mong mga paa. Sa kabila ba ng lahat ng yun, mgagalit pa rin ba tayo sa kanya?
6.Hindi lahat ng nagsisimba ay mabuting tao. Hindi lahat ng hindi nagsisimba ay masamang tao. At hindi lahat ng pinapakita ng ibang tao ay totoo.
Hindi naman nangangahulugan na porke’t laging nagsisimba ang isang tao, mabuti na sya, huwag na huwag kang magpapalinlang sa mga nakikita ng mata mo. Hindi naman kasi lahat ng tao ay totoo. Minsan may mga tao lang talaga na gumagawa lang ng kabutihan para hindi natin mapansin yung masamang ginagawa nila. At wag mo ring ituring ang masamang tao kung hindi mo sya nakikitang nagsisimba. Malay mo, baka mas malakas pa yung pananampalataya nya sa nasa taas kaysa sayong pala – simba.
7.Huwag na huwag kang mag SISINUNGALING sa mga taong may TIWALA sayo. At wag na wag kang MAGTITIWALA sa mga taong nagsisinungaling sayo.
Ang tiwala ang ay madaling makuha pero napakadali din naman nitong masira. Wag nating sirain ang tiwala ng mga taong nagtitiwala sa atin dahil kapag ang tiwala ay nawala, napakahirap na nitong ibalik ulit. At wag kang masyadong magtitiwala sa isang tao, lalo na kung alam mong nagsisinungaling lang siya sa’yo. Sakyan mo lang ng sakyan ang sinasabi niya sa’yo pero wag na wag kang maniniwala.
8.Bilang isang INA, kahit gaano kahirap kakayanin para sa anak.
Lahat ng bagay, nakakayang gawin ng isang ina para lang mapabuti ang kanyang mga anak. Handa siyang magsakripisyo para lang guminhawa ang kalagayan ng mga anak niya. Kaya bilang anak, gawin din natin ang lahat para sa kanya, wag na tayong gumawa ng dahilan para mas pahirapan pa siya. Siguro nga hindi natin mababayaran ang utang na loob natin sa kanila, pero kaya naman natin silang gawan ng kabutihan para kahit papaano ay may pambawi sa mga nagawa nila para sa atin.
9.Isa sa mga kasiyahan ng magulang ay ang makitang TAGUMPAY sa buhay ang kanilang mga anak.
May mas sasaya pa ba sa nararamdaman ng magulang natin kung makikita nila na nagtagumpay tayong mga anak nila sa landas na pinili natin? At alam natin sa sarili natin na wala tayong mararating kung hindi din dahil sa mga tulong nila. Siguro sasabihin ng iba, “nagsikap ako ng sarili na walang tulong galing sa kanila” o kaya naman, “wala na akong magulang, walang tumulong sakin kundi ang sarili.” Pero isipin mo, wala ka sana ngayon kung hindi dahil sa kanila. Hindi ka naman siguro putok sa buho o kabuti para lumitaw na lang bigla. Kahit yun man lang, gawin mong dahilan para pasalamatan sila. Na dahil sa kanila ipinanganak ka.
10.Walang masama kung susubok ka ng isang bagay. Basta siguraduhin mo na wala kang nasasaktan at natatapakan na iba.
Mas masarap damhin ang tagumpay kung nakamit mo ito ng dahil sa sarili mong pagsisikap at hindi dahil may natapakan kang tao. Napakasarap sa pakiramdam na nagtagumpay ka ng dahil na din sa tulong nila at hindi dahil sa pagbagsak nila.